Sagwan

May tiyuhin ang nanay ko, taga-Palauig, Zambales. Pangingisda ang ikinabubuhay nya nuon, katu-katulong ang apat na anak na lalaki.

Kahit ismol-taym fishermen lang, nakakahuli naman sila minsan ng mga hayop-dagat na kung ibebenta mo sa mga palengke at supermarket sa Maynila ay talaga namang mahal – malalaking isdang talakitok, blue marlin, du-al (isdang berde ang tinik) at sabalo (parang bangus), pusit, alimasag… Marami pa, hindi ko na lang matandaan ang mga pangalan. Hindi ko tuloy maunawaan nuon ang malimit na bukambibig ng mga tiyahin ko: “Walang pera ang mga tao dito (sa Palauig).”

Isang bakasyon, nasubukan na naming sumama ng isang brother at isang pinsan ko sa pamimingwit. Namulot muna ng mga susô (snail) ang uncle ko; dinikdik niya iyon ng bato. Ang laman ang itutusok sa simâ (hook) sa dulo ng manipis na tansê (nylon cord) na siya ring ginagamit nila sa paggawa ng lambat. Isang mahaba at manipis na kawayan lang ang nagsisilbing fishing rod.

Sakay ng isang maliit na bangka na kailangang limasan ng tubig maya’t-maya dahil may tagas na, humimpil kami sa isang lugar na hindi gaanong kalayuan sa pampang. Walang bubong ang bangka, kaya nakapangingitim hindi lang ang hanging-dagat kundi maging ang init ng araw.

Nasa sampung talampakan (10 ft) ang lalim ng tubig dahil high tide, pero tanaw ang mga corals sa ilalim – maging ang mga makukulay na isda (“pang-aquarium!”, eka nga namin). Kagyat namang nag-aagawan ang mas malalaking isda sa pain sa simâ na kalulubog pa lang. Kung hindi ka sanay, mauubos ang lahat ng reserbang pain mo nang wala kang maiuuwing isda.

Nakarami rin naman kami… masarap palang kainin ang bagay na pinaghirapan.

Minsan, isinama naman nila kami sa laot, sakay din ng naturang bangka. Kinabahan ako nuon, dahil sa paggalaw pa lang ng tubig, alam nilang may pating sa di kalayuan. Sa halip na isagwan ang bangka papalayo, lumusong pa sa tubig ang isa kong tiyuhin, suot ang antipara (goggles) at tangan ang isang homemade na pana para sundan yung pating. Isinagwan naman ng isa ko pang tiyuhin pasunod sa kanila ang sinasakyan naming bangka. Malaking pera daw kasi pag makakahuli ng pating o barracuda (meron ba talaga nito dito?)o maski yung page (stingray). Nakalayo yung pating – hindi nila nahuli.

Ahehe, matutuwa ba ako o manghihinayang? Hindi naman kalakihan yung pating – mga isang dipa lang daw… Maski na, ‘no? – pating pa rin yun! Atsaka bata pa ako nun, city-boy pa… ahehe, malay ko ba?

Minsan lang akong nakasama sa ‘seryosohang’ pangingisda – yung talagang maingat at walang-ingay silang naglaladlad ng lambat, iikutan ang mga kawan-kawan ng mga isda (school of fishes), at saka hahambalusin ng sagwan ang ibabaw ng tubig-dagat para bugawin ang mga isda patungo sa lambat.

Sa bahay ng ‘Mamay’ ko (nanay ng nanay ko) kami talaga nakabakasyon, pero mas gusto naming tumambay sa maliit na barung-barong ng tiyuhing ito ng nanay ko (bale bunsong kapatid ng mamay ko) na ilang metro lang ang layo. Ang silong ng barung-barong ay sakop ng isang maliit na palaisdaan.

May iniuwi nuon ang uncle namin – isang pugad ng ibon na nakuha nya mula sa bakawan (mangrove trees). May tatlong inakay ng ibong bakaw na parang egret o heron ang hitsura nung lumaki pero berde ang kulay? Mga nakapikit pa. Pag nararamdaman kami, nagbubukahan ang pagkalalaking mga bunganga. Gutom?

Gamit ang ‘kaput’ na panghuli ng semilya ng bangus, nanghuhuli kami ng butete (tadpoles) sa palaisdaang tuyo nung panahong iyon. Kinukutsara namin ang madudulas na butete para isubo sa mga inakay. Lumaki ang mga ibon, naging maamo at hindi umaalis sa palaisdaan. Kapag may binitukahang mga isda ang lola ko, tatawag lang sya ng “Bakaaaaw – kaw! – kaw! – kaw!” at ayan na – magliliparan palapit ang tatlong ibon at dadapo sa pasimano malapit sa lababo.

Mas gusto ko ring makitulog sa barung-barong. Walang kuryente kaya madilim pag gabi. Sa loob ng bahay, gasera lang ang ilaw. Hindi problema kung wala mang electric fan dahil malamig naman ang sariwang hanging malayang nakakapasok sa bukas na bintanang sliding o de-tukod lang. Mula dito, tanaw sa mas madilim na labas ang mga alitaptap sa ilalim ng mga puno. Pag malamok, kulambo lang ang katapat. O ‘di ba ansarap matulog sa ganito?

Pero hindi ko kursunadang makikain sa kanila. Pa’no naman, kahit nakakahuli sila ng mga masasarap na isda, ang malimit nilang ulam ay talbos lang ng kamote o kangkong na isasawsaw sa bagoong na isda! O kaya yung buritangtang (parang sea urchin, pero hindi naman yung poisonous na pana-pana) na madali lang naming napupulot pag nagkakati (low tide) ang dagat. Mabuti pa nga sana kung yung ibang napupulot din namin na masarap-sarap, paris ng kumukusay (a type of sea snail) na sumisikad.

Hindi kasi kami sinanay sa bahay na kumain ng gulay.
Pwera na lang nung mawalan na ng trabaho ang Dad.

Alam nyo ba yung pugita? Minsan ding nakasumpong si brother ko ng maliit na octopus sa ilalim ng isang tuyong coral pag-angat niya nito. Kakulit palang isilid nito? Umaakyat palabas sa dala naming timba! At yung mga galamay? ngiiiahk!!! Kahit putulin mo na, naggagalawan pa! May sariling buhay at parang mga lintang kukunyapit at papagkit sa’yong mga kamay. Kahirap patayin… Isinalang ng lola ko sa isang kaldero kahit buhay pa para lutuin (at para mamatay na rin). Napakatigas at pagkakunat-kunat maski yata gaano nya katagal pinakuluan. Pero masarap naman.

Hindi ko lang alam kung nakakain din yung iba pa: mga korokoy – maliliit na talangka (crab) na magkabilan ang mga sipit (mas malaki yung isa), na napagkakatuwaan naming habulin pero hindi rin mahuli dahil mabilis na nakakatakbo at sumusuot sa mga butas sa buhanginan. Mga isdang may paa na kung tawagin ay talimusak (skipper), tatalun-talon at tatambay sa nag-usliang ugat ng mga punong bakawan. O kaya yung balat (sea cucumber) na pag naapakan mo ay may parang semen na lumalabas. Kung hindi nga lang siguro nakalalason ang buteteng-laot (puffer fish) na lumolobo pag iniahon mula sa tubig, baka pwedeng lamang-tyan din yun.

Mahirap lang kasi sila kaya nagtitipid. Ta Pid ang tawag ng mga nanay at tatay namin sa tiyuhin nilang ito. Anak ng mistisuhing kastila, pero mas nakamukha yata ng Ilokanang ina na ipinagkasundong ikasal kay tisoy nung teenager pa lang ang dalagita.

May matipunong pangangatawan daw itong si Ta Pid nuong kabataan nya. Magaling sa “argolya” o yung baras na may nakasabit na dalawang bilog na animo’y malaking singsing.

Pero sa aming magkakapatid at magpipinsan, sya si Lolo PIDING – isang mabait na lolo na naging payat at sakitin. (Eka nung tyuhin ko na kapatid ng Mom ko:) Kung nagpatato nga lang daw itong si lolo ng agila sa dibdib nuong maskulado pa siya, malamang ito’y pipit na lang nung bumagsak ang pangangatawan niya. Namatay sya sa sakit na tuberculosis(?)

Nawili na naman ako sa pagkukuwento, iisa lang naman ang tinutumbok ko…

Sa probinsya na nabuhay ang lolo ko. Paano pa kaya yung mga nahumaling sa kaway at pangako ng Maynila at ngayo’y kumakayod duon – sinisiklot-siklot ng mga alon sa syudad? → Trabaho lang?

Published in: on 1 May 2008 at 10:00 am  Comments (7)  
Tags: , , , ,

The URI to TrackBack this entry is: https://homebodyhubby.wordpress.com/2008/05/01/sagwan/trackback/

RSS feed for comments on this post.

7 CommentsLeave a comment

  1. nung asa anilao batangas kami, ang daming mangingisda na nagbebenta ng mga fresh na huli nila. ang asawa ko nanlalaki ang mata kasi naman dito ang fresh seafood nila e frozen seafood ano. at sempre, nag try din silang mangisda, ehehehe – walang nahuli😀

    ————————————————

    HBH: Nasa bandang gitna yata kasi ng Europe yang Germany, di ba?🙄 Malayo sa dagat? Parang kami dito sa Nueva Ecija, nasa Central Luzon, wala kang matanaw na dagat. Sabagay, sariwa din naman ang mga isdang dini-deliver dito nang madaling araw galing sa Pangasinan o sa Aurora.

  2. wow, sarap talaga sa province.. na experience ko yung iba dyan nung pumunta kami ng quezon. hehe sarap talaga dun! Fresh pa mga mahuhuli mong isda tapos ang di ko malilimutan yung naghuli ng palos yung mga tito ko.. waahh kaka miss!

    ————————————————

    KTB: Sa tutuo lang panay, ang yaya sa akin ni misis na punta kami ng Palauig, hindi pa kasi sya nakapunta ruon. Pero sa Quezon, nakapunta na rin sya paris mo — taga Atimonan kasi ang byenan ko.

  3. anu b yang mga tagalog namesung ever mo! di ko na ma reach! hahaha

    parang ang sarap mag alaga ng bakaw taz sisigaw din ako ng bakaw kaw kaw pag papakainin na hehe sana lang wag cow ang luampit!😛

    yung talimusak ba may paa? naaalala ko nung bata pa ko, lagi ako nag ppauwi nun sa mami ko kc natutuwa ako at tilamsik nga ng tilamsik, taz nilalagay ko pa sandali samalaking bote ng mayo kaso mdali din mamatay😀

    masarap na pulutan yung tentacles ng maliit na pugita😀 nung una ayaw ko tikman! ang sarap pala!!!!!

    ————————————————

    HBH-3X: Buti pa nga kung ‘cow’ ang lalapit…
    baka mag-iskyerdahan pa nga kamo ang mga pusa.😆

    Yung palikpik (fins, pectoral ba o pelvic?) ng talimusak ay parang mga paa, at nakakatagal sila nang wala sa tubig.
    Click mo ito: “Mudskipper

    Marami rin kaming nahuhuling isdang “pang-aquarium” na iba-iba ang kulay, pero hindi rin nagtatagal pag nilagay mo kahit saang lalagyan, maski pa galing sa dagat ang tubig.

    Nakatikim ka rin pala ng pugita. 🙂

  4. […] Lolo Piding – tiyuhin ng mom ko; bunsong kapatid ng Mamay ko. May post na akong kuwento tungkol kay lolo fisherman. […]

  5. […] Nakumpleto ko na pala ang lahat ng short account ko tungkol sa mga taong pinakamalalapit sa puso ko – magmula sa mga lolo at lola ko, thru my dad and mom, tatay at nanay – isama mo na rin ang mga peborit kong auntie, uncle at lolo uncle. Ang aking bestfriend, meron din. At syempre, hindi pwedeng wala si misis ko.😉 […]

  6. […] ◙ Father’s Day 2008 posts […]

  7. paano ba bugawin ang mga palaka at butete tag ulan nanaman kasi kaya andaming butete at palaka dito sa aming bahay dumidikit sila sa aming dingding nakakairita tingnan
    ————————————————
    (30 Jun 2011)
    HBH: Kung “nakadikit” as in nakakapit ang mga paa
    sa pader o dingding, palakang saging (tree FROG) yun:
    makintab at mamasa-masa ang berde o dilaw na balat, malalaking mata at mahahabang paa.
    Kung “nakadikit” as in nasa lupa lang malapit sa pader,
    most likely palakang bato (TOAD) : magaspang ang dilaw o kayumangging balat na parang bato nga ang itsura.

    TOAD — pa-“hop”-“hop” kung tumalon.
    FROG — long-jumper

    Kinakain ng ahas ang palakang saging, but opkurs mas mahirap naman kung mag-aalaga ka ng ahas.🙂 Ang alam ko kursunada din ng manok o pusa yun.
    ‘Poisonous’ ang palakang bato kaya kahit ahas dededmahin sila. But usually tumatambay ang mga iyan kung saan maraming makakaing insekto sa gabi (sa ilalim ng posteng may ilaw, poreksampol).

    Butete, bubugawin?🙄 Nasa tubig yun — pakawala ka na lang ng itik sa tubig kung saan maraming butete.

    By the way, may post ako tungkol sa kokaks dito → Et,et,et…


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: