Inuman ng mga ‘Patay’ ?

Undas na naman. Mga huling araw pa lang ng Oktubre e bising-bisi na ang buong ka-Pinoy-an sa paghahanda sa paggunita sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay. Kinabukasan, unang araw ng Nobyembre, araw ng mga patay.

Araw nga ba ng mga “patay” …baka araw ng mga PATagAY? Pag ganitong mga panahon, hindi naman talaga ‘piyesta ng mga patay’ dahil mas nagdiriwang ang mga buhay. Pa’no nga ba naman magpipista o magdiriwang ang mga patay? Sa SINE lang uubra yun paris nung mga napapanuod kong mga pelikula na si Chiquito ang starring nung bata-bata pa ‘ko.

Gusto ko lang paalalahanan ang ilang mga kababayan ko na pinagkahintay-hintay ang araw na ito para ‘sumimple’ sa sementeryo. Mga p’re… ipinagbabawal ang pag-iinuman o pagdala man lang ng alak sa loob ng sementeryo! Sana naman eh huwag nating gawin ito hindi lamang dahil sa ipinagbabawal kundi dahil din sa pagmamalasakit natin sa ating kapwa at maging sa ating mga sarile. Kung gusto nyo naman, sa bahay na lang kayo mag-inuman. Pero sa tyan nyo lang ilalagay ang alak, ha? huwag sa ulo! At pag hindi na kaya, ay huwag nang pilitin pa. Isusuka nyo rin lang e bakit iinumin pa? Hindi naman kasi nasusukat ang pagkalalaki sa dami ng maiinom. At tunay nga bang lalake yung lumalakas lang ang loob pag nakakainom? Yang stainless na marka-dimonyo: nasa itaas lang naman si San Miguel Arkanghel nyan habang nakatindig pa yang bilog o kwadradong bote na tangan-tangan nyo. Pag nasaid nyo na ang laman nyan malamang nakatumba na yan at si ‘Taning’ na ang nasa itaas.

Mga bata pa kasi kayo — nanggaling na rin naman ako dyan noon… Ang kantyawan pa nga noon e “di baleng tumagal sa suso, huwag lang sa baso”… ambastos ba eka nyo? ewan ko basta gradweyt na ko dyan ngayon — pasang-awa pa nga eh… Balang araw maiintindihan nyo rin. Pero kung matanda na kayo at paramihan pa rin ng maiinom ang prinsipyo nyo, malamang tumatanda kayo nang paurong…

Pakinggan nyo na lang itong sabi ng lolo ni Ikabod:

O ‘di ba? Maigi na yung nag-iingat. Baka hindi pa man natatapos ang undas e, maihabol pa kayo sa ipagtitirik ng kandila! He he… kayo din. Di bale sana kung tiyak nyo na kung saan kayo papunta. Hindi problema ng isang dagâ kung saan sya ‘dadalhin ni Kamatayan’ oras na matigok sya, pero tayong mga tao? Kanino kaya sa dalawang karakter dyan sa bote ng ginebra tayo ipapasa ni Kamatayan? Ha…! dapat kayong mag-isip-isip… ipagtirik man kayo ng sanrekwang kandila, useless na rin…

Yang dagang si Ikabod e matagal na ring namayapa yan — at least sa komiks, pero hindi sa puso at diwa ng ilang mga taong tulad ko. Yan ang dagang bukod-tangi kong pinagkasubaybayan magmula nuong ako’y estudyante pa lang sa Los Baños. Pinagkatagu-tago ko pa ang news clipping na yan. Aba e kung kay Mickey Mouse o Robo Rat din lang, kay Ikabod na ako! Naibibida ko lang naman…

Napag-uusapan din lang yang dagâ at araw naman ngayon ng mga patay e me naisip lang akong itanong. Bakit kaya tayong mga Pinoy pag me naaamoy na mabaho e parati na lang amoy patay na dagâ ang sinasabi? Dagâ lang ba ang mabaho pag namamatay? Hindi naman ‘di ba? Maski anong patay naman tiyak na mangangamoy at babaho… maliban lang siguro ang patay na kuko… (sa kamay ha? hindi sa paa)

O ano, nag-iinuman na ba kayo? Kayo na lang ha? Pinagkatanda-tanduayan ko kasi nuon pa man ang pangako ko ke misis nu’ng mag-boypren pa lang kami na hin-gin na ko iinom, maski beer-bihira lang. Oo sige na, luma na nga ang dyok na yan… Ano? ako, ander? … hindi ah! lab ko lang si Misis…

Ibahin na nga lang natin ang usapan at baka kung saan lang tayo mapunta… ‘ala pa ba kayong pulutan dyan?

Alam nyo ba na dito sa amin sa probinsiya e hindi lang pusâ ang kumakain ng dagâ? Ginagawa itong pulutan pag may inuman! Koreksyon: inuman ng mga tao ha? hindi inuman ng mga pusâ… at yung dagâ ang pulutan, hindi ang pusâ! Ang gulo ba? Oks lang na-gets nyo naman, di ba? Pero lilinawin ko: yung mga dagang-bukid naman ha? hindi ang mga dagang-bahay o dagang estero! Tutuo yan mga p’re, dehins ako lasing o nagbibiro. Ang tawag pa nga nila dito ay STAR meat — binaligtad na RATS meat! Kaya nga pag may rat-hunting campaign sa mga bukid dito, mga buntot na lang ng dagâ ang binibilang kasi yun na lang ang natitira dahil pinagkuku-kuha na ang mga katawan.

Oebaket? Malinis naman ang dagang-bukid a dahil palay ang kinakain nito! Kayo din naman kumakain din ng palay, ipinakiskis nyo lang at isinaing. Mas malinis pa nga ang dagang-bukid kaysa sa baboy dahil hindi ito kumakain ng kaning baboy! Wala pang kolesterooooool!

Aba e kung ayaw nyong tumikim e di huwag nyo, magtiis kayong walang pulutan… he he he … nagsa-suggest lang naman. Dalawang bagay lang naman ang tinutumbok ko: Hindi lahat ng dagâ e marumi, at hindi komo kumakain ng dagâ e wala nang makaen!

Sige, mag-inuman na nga lang kayo. Sa bahay na lang ha! … para pag inantok, diretso nang tulog! Baka bangungutin lang kayo… kung ayaw nyo namang matulog agad e di okey lang din… basta huwag na lang kayong mag-kantyawan at baka magkapikunan pa kayo. Magpahulas na lang muna kayo… magkape kaya… huwag gatas at masamang ihalo sa alkohol yun — baka hindi na kayo magising…

Maiwan ko na kayo, hane? …pupunta akong sementeryo — mangangaral pa ako sa mga “patay”. Pagbulay-bulayan nyo yung mga ibinida ko. Itagay nyo na lang ako…

Pleasure deprives a man of his faculties quite as much as pain. – Plato
Comic strip credit: Ikabod Bubwit by (the late) Nonoy Marcelo